Magkasama tayo ngayon, at tulad ng isang tula, sinusubukan kitang basahin. Ang iyong tindig. Ang iyong lakad. Maging ang iyong pananamit. Ang iyong pagtango. Ang iyong mga balikat. Ang pananabik. Ikaw. Ang iyong mga galaw rito sa aking tabi.
Sabi nila, mas makahulugan ang mga galaw kaysa sa mga salita. Marahil ito ay dahil sa may mga nararamdamang hindi kayang ikahon sa mga salita. Pero, sa tuwing kasama kita, hindi ko mahanap ang kahulugan ng iyong mga galaw. At muli, isa kang tulang kay hirap basahin.
Hindi ko alam kung ito ba ay dapat basahin nang literal o nang matalinghaga? Ang pagtitig mo ba ay nangangahulugan ng pagsuyo? Ang pangungumusta mo ba ay sinsero? Ang pagngiti mo ba sa akin ay pagngiti mo rin sa lahat? Espesyal ba ang iyong paglapit? Ang pagtatanong tungkol sa akin? Bigyan mo naman ako ng mahahawakan ko. Sa sandaling ito, lahat ng galaw na maaari mong ipakita ay maaari kong bigyan ng kahulugan– iyong mga kahulugang nais ko lamang paniwalaan.
Kaya, gusto ko ng salita. Hindi ng nakalilitong pagtitig at pagyuko, ang pagbagsak ng mga balikat, ang paglakad. Bigyan mo ko ng mga salita. Bigyan mo ko ng kongkretong mahahawakan ko. Nang maintindihan kita. Nang maintindihan ko kung saan ko itinataya ang sarili ko. Kasi,
“Pagod na akong magpaikot-ikot sa palad ng mapaglarong pag-ibig.
Pagod na akong magbukas-sara ng pinto sa katok ng mga panandaliang bisita.” — Huwag, 2017
Tumigil ka sa iyong ikinukuwento. Huminto tayo sa paglalakad. Ipinako ang mga mata sa akin. “Anong inisiip mo? Parang may iniisip ka.”
Mabilis na nagmartsa sa akin ang mga tagpong tayo ay magkasama. Kay tagal na. Hanggang ngayon ay hinahanap ko pa rin ang kahulugan ng mga talinghaga sa iyong mga galaw. Napapagod na akong magbukás nang magbukás ng sarili sa taong hindi ko tiyak kung nariyan pa sa akin sa paparating na búkas. Wala nang ibang magandang pagkakataon kung hindi ngayon, huhugutin ko ang lahat ng lakas na mayroon ako, makikiusap na sagutin ang matagal ng tanong na kailan man ay ‘di nawala sa aking isip – minamahal mo ba ako? At kung oo, makikiusap ako na,
“Huwag mo na akong mahalin kung hindi mo rin naman paninindigan. Huwag. Huwag na lang.”
At kapag nangyari, parang eksena sa pelikula. Pero ‘di tulad ng isang pelikula, walang manonood sa atin. Walang madidismaya sa sagot. Walang ibang magdududa. Walang hahadlang. Pagkakataon ko na ito, hindi ko alam kung kailan ako muling makahuhugot ng lakas ng loob para sabihin ang lahat ng ito.
Sa isang iglap, nabaon ang hinugot kong lakas nang muli mo akong tanungin, “Uy, anong iniisip mo?” Tinitigan kita, at sinabing, “Wala, may naaalala lang. Ano ulit iyong kinukuwento mo?”
Akala mo kamo ay may sasabihin ako. Nagpatuloy ka at nagpatuloy rin ako sa aking pananahimik.
Mali pala ako. Sapat pa rin pala sa akin ngayon ang mga hindi ko maintindihang mga kilos – espesyal man ito o hindi. May kahulugan man o wala. Mas natatakot pa rin pala ako sa mga salitang maaari kong marinig. Kaya, huwag na lang muna. Huwag na lang siguro. Mananatili na lamang muna ang mga pakiusap na ito rito sa sarili kong katahimikan. Ako lang naman ang nakaaalam sa tagpong ito. Sarili ko lang ang nadismaya. Sarili ko lang din ang nagduda. Sarili ko lang din ang humadlang.