Sa Pag-amin, Ika’y Magiging Akin O Baka Hindi Rin

Oh, teka! Bago ka pa man magpatuloy sa pagbabasa ay huminga ka muna nang malalim. Panghawakan ang sarili. Alam ko ‘yong ganyang feeling, ‘yong nagtatalo ang isip at puso kung oras na bang umamin.

Hindi rin naman kita masisisi kung nahuhulog ka na sa kanya. Sino ba namang hindi, ‘di ba? E, bago pa man maglockdown siya itong palagi mong kasama. Kung wala nga sigurong Enhanced Community Quarantine malamang naging enhanced na rin ang ‘yong feelings. Pero, uulitin ko hindi naman kita masisisi. Sino ba namang hindi mahuhulog sa kanya? Siya na palagi mong kasabay sa umaga, ang good sa bawat morning mo. Dati hindi ka pasensyoso sa pag-abang ng tren at lagi gustong sumiksik na lang. Pero, noong palagi mo na siyang kasabay ay natuto kang maghintay. Napalitan ang pagkairita ng pananabik na sa bawat pagbukas ng pinto ng tren alam mong siya yung dadating.

Siya rin naman kasi itong kilala ka na ng sobra. Kabisado niya kung paano ka patawanin, kung paano ka pakinggan, kung paano bitawan ang mga salita sa tama nitong paglalagyan. At ganoon ka rin sa kanya. Kaya nga siguro kahit magkabaliktad kayo ng ugali, gets niyo pa rin ang isa’t isa. Marahan mong inakyat ang kanyang mataas na pader. Pinatunayang katiwatiwala ka sa pinakamasasakit na marka ng kanyang nakaraan. Hindi mo namalayan na sa ganitong paraan mo matututunan kung paano siya tamang alagaan.

“Kung pwede mo lang ituro sa ibang tao kung paano siya alagaan, ginawa mo na, e. Huwag lang siyang makitang nasasaktan.” — Dalawang Kurap, 2017

Normal? Oo naman! Normal lang naman iyan sa magkakaibigan. Normal lang iyon sa kanya pero ‘yong sa’yo parang may meaning na. Pero, tandaan mo rin na normal lang mahulog sa taong palaging andyan. Sa taong kayang iparamdam sa’yo ang pagtanggap na kahit sa sarili mo mismo ay hindi mo mahanap.

Oh, teka! Nakakapit ka pa ba? Nako! Huwag mo na itanggi, alam ko naman matagal ka ng nahulog. E, buti pa nga ang mga tren nagkakasalubong. Sana kayo rin para maranasan niyo naman gawing theme song ang “Pasalubong” ng  Ben and Ben ft. Moira.

Pagbigyan mo rin ang sarili mo na maging totoo sa nararamdaman mo. Sabihin mong mahal mo na siya, aminin mo kung gaano siya kaespesyal sa’yo. Paano kung ganoon din pala siya sa’yo? Paano kung hindi? Paano kung masira friendship niyo? Paano kung lumayo siya? E, paano kung hindi masagot ‘yang mga “paano”  na iyan? Ikaw lang din ang maguguluhan at iisip ng mga posibleng sagot na wala namang kasiguraduhan.

Alam kong mahirap itaya ang pagkakaibigan pero mas mahirap makipaglaro sa sariling nararamdaman. Mas nakakatakot ang hindi subukan, mas nakakabaliw ang puro katanungan, mas masakit kung sa huli manghihinayang. Umamin ka nang walang hinihintay na kapalit, na hindi umaasang mamahalin ka rin niya pabalik. Sabihin mong mahal mo siya at handa mong tanggapin kung hanggang saan lang ang nararamdaman niya para sa’yo. Kung hindi man niya kayang ibigay ang katulad ng pagmamahal mo, kaya naman niyang sagutin ang mga “what ifs” mo. At mas magiging malinaw ang lahat.

Tandaan mo, kung hindi susubukan walang patutunguhan. Dalawang resulta lang naman ang kahihinatnan ng iyong pag-amin: una, kung gusto ka rin niya ay magiging kayo. At pangalawa, kung hindi ay mahahanap mo naman ang tamang tao na nakalaan para sa’yo.

Subukan mo lang para sa huli wala hindi ka manghihinayang.