Alin ka sa dalawang ito:
“Pagsasamang maligaya” o “‘Pansamantalang ligaya”?
Kung ang sagot mo ay ang una, ikaw na ang pinagpala at ang paborito ni kupido’t tadhana. Para sa’yo naman ito kung ikaw ang pangalawa, huwag kang mag-alala hinuhulma ka pa kasi ng sakit at ng pait upang mas maging matibay pa. Sapagkat ang pagpili sa pag-ibig ay pagpili rin sa kalakip nitong sakit. At ang mga sakit ay patunay na patuloy kang lumalaban sa digmaan ng iyong sarili at ng nakaraan.
May mga pagkakataon kasi na mas mahirap pala labanan ‘yong maliliit na detalyeng may bitbit na mas matinding sakit. Tulad ng mga lugar kung saan kayo madalas na magkita, ang shared account niyo sa Netflix na ngayon ikaw na lang nagbabayad mag-isa, ‘yong paborito niyang iced caramel macchiato sa Starbucks na kapag naririnig mong sinisigaw ng barista ay napapalingon ka pa, umaasang siya ang kukuha. Tulad ng sinabi sa monologue na Para sa mga Pusong Pagod
“Ang pagmo-move on pala ay parang paglilinis ng isang salaming nawasak. Madaling pulutin ang mga malalaking piraso, ngunit ang mga maliliit na bubog, sa mga sulok-sulok, sa mga gilid-gilid, ‘yon ang mahirap walisin.”
Pero paano nga ba maging malaya sa mga alaala? Paano makakaya kung masakit pa rin pala?
Huwag kang magmadali at magshortcut, hindi karera ang pagmomove-on. Hindi tulad ng ordinaryong sugat, pressure ang huling bagay na kailangan ng mga pusong sa pait ay naghihilom. Iiyak mo lahat, dahan-dahanin mo ang paglalakad. Panigurado, matitisod ka, madadapa at mas lalalim ang mga sugat. Manghihina ka, mawawalan ng gana sa lahat, dagdagan pa ng insecurities at trust issues mo sa mga tao sa paligid. Iiwasan mo sila, matatakot na baka iwanan ka lang ulit nila. Iisipin na baka gamitin lamang nila ang iyong kahinaan at kikilalanin ka lamang upang may mapala sila. At dito mo matututunan na yakapin ang pag-iisa.
Tapos makikita mong may kasama na siyang iba. Malayo na siya sa nakasanayan mong mundo habang ikaw ay naliligaw pa. Masaya na siya at ikaw ay nakahinto sa isang malaking katanungan, “Ako kaya, kailan?”
Akala mo wala na sa’yo ang makita siyang may kasamang iba, ngunit sa totoo kakaiba pa rin pala sa pakiramdam. Tila hinila ka pabalik mula sa umpisa.
Pero alam mo…
Moving on might be a long process and it’s okay to have delays. Kung hindi ka pa okay, hindi ka pa okay. AT OKAY LANG IYON.
Gawing tamis ang pait, tumingin sa ibang pananaw ng pag-ibig. Kung iniisip mong “malayo” na siya, isipin mong “malapit” ka na sa ligaya. Kung nakikita mong may kasama na siyang iba sana nakikita mo rin na hindi ka nag-iisa dahil may mga taong nakikita ang tunay mong halaga. Magpahinga, huminga. Hindi talunan ang pagiging mahina. Madalas dito pa natin nakikita kung paanong tunay na maghilom at mag-alaga.
Ang pagmomove-on ay hindi naman talaga paglimot kundi ito ay pagtanggap. Pagtanggap na maari kayong magtagal pero hindi ibig sabihin nito na sa buhay mo ay hindi na siya matatanggal. Ito rin ay pagpapatawad sa mga nakasakit sa atin at lalo sa ating sarili. Ito ay hindi pagkumbinsi sa iba na “buo ka na.” Ito ay pagmamahal sa sarili kahit kulang ka pa.
Oo, mapapagod ka ngunit lagi mong tatandaan na;
Ang mga pusong pagod ay mas bumibilis ang pagtibok, at sa bawat pagtibok nito ay pag-asang may taong muling kakatok na siyang magiging pahinga nito.