- Umamin ka muna.
Aminin mo muna sa sarili mo na tapos na. Wala na. It’s over. Hindi na siya babalik. Hindi siya nakaabang sa phone para tumawag dahil lang viniew niya ang stories mo. Hindi siya naghihintay na makita ka sa kanto para sabihin sa’yong “tara, try natin uli?”
Masakit mawalan. Pero pahahabain mo lang ang sakit kung umaasa ka pa rin na may season 2 pa ang paborito mong k-drama, na magrereunite pa ang paborito mong banda. Lalo na ‘yang paborito mong girl group. Sorry, but it will not happen anymore.
- Magalit ka!
Magalit ka in a healthy way. Isulat mo ang mga hinanakit mo sa papel. Punitin mo nang pagkaliit-liit. Magkaraoke ka. Kantahin mo ang Beer, Someone Like You o ‘di kaya Sulutera. Damdamin mong lahat ng nota. Siguraduhin lang na alam mo ang curfew ng karaoke sa lugar niyo. Masyado naman talaga siyang matagal tumingin doon sa babaeng dumaan. Ilang beses naman talaga niyang nakalimutan ang monthsary niyo. May dahilan ang galit mo. Pinoprotektahan ka nito sa mga lumalagpas sa mga hangganan mo
- Huminto ka.
Tigilan mo na ang pagmamakaawa sa kung sinong diyos. Dadating ka sa puntong maiisip mo na higher power na lang talaga ang makapagbabalik ng lahat. Pero sayang ang prayers mo sa taong hindi ikaw ang prayers. Malamang sa malamang, hindi ibibigay sa’yo ng universe ang bagay na nagpapaiyak sa’yo nang ganyan habang nagdadasal. Ipagdasal mong maging matatag ka sa bagong kabanata ng buhay mo. Ipagdasal mong magkaroon ka ng pagpapatawad sa sarili mo nang hindi mo na iniisip na kung hindi ka sana nagtaas ng boses ng very light, hindi na sana siya nakipagbreak. Ginawa mo ang lahat ng makakaya mo gamit ang kung anong alam mo sa panahong yun.
- Magluksa ka.
Sunugin mo ang mga love letter niya. Itapon mo ‘yong damit niyang hindi mo na nilabhan dahil may amoy niya pa. Burahin mo ang lahat pati ‘yong na sa recently deleted. Umiyak ka na parang wala ng bukas. Ilibing mo ang dating ikaw. ‘Yong ikaw na akala mo ikamamatay ‘yong sakit. ‘Yong ikaw na deds na deds sa kanya kaya hindi namalayan na red flags pala ‘yon, hindi banderitas. ‘Yong ikaw na sobra-sobra ang pasasalamat sa kakarampot. Hindi ka man tunay na namatayan, karapatan mong magkaroon ng seremonyas para sa isang taong maaaring hindi mo na makita kahit kailan.
- Yakapin mo ang pagbabago.
Hindi na ito ang nakasanayan mong timeline na may date kayo tuwing weekend o may out of town tuwing summer. Gumawa ka ng bago mong mga plano. Pumunta ka sa mga bagong lugar. Ngumiti sa mga bagong mukha. Umiyak sa mga bagong balikat. Humawak ng mga bagong kamay. Punan mo ang puwang nang nakangiti. Isang biyaya ang magkaroon pa ng espasyo para sa mga bagong bagay at tao.