Pamilyar na sa iyo ang mga ganitong tagpo: nakahiga ka sa kama, sinasabayan ng orasan ang pag-scroll mo sa Facebook, alas dos ng umaga, tinitigan ang bago niyang Facebook photos at status. Araw-araw mo iyong libangan simula nang magkahiwalay kayo hanggang sa magkaroon na siya ng bago – bagong buhay at tao.
Hindi lang orasan ang sumasabay sa iyo pero parang musikang paulit-ulit ang sikat na linya,
“Sana ako pa rin, ako na lang, ako na lang ulit”.
Ito ang pampatulog mo at panggising. Ang paulit-ulit na isiping hindi naging sapat ang pag-ibig, o baka ay nasobrahan, o baka dahil sa sobrang ingat ay hindi naging kapana-panabik kaya naghanap ng iba. Siya, ang bago, ang iniisip niyang pupuno ng mga kakulangan mo. Hindi malunok ng isipan mo ang mga dahilang sinabi niya at mga dahilang siya lang ang nakakaalam, iisa lang ang sigurado: nakikita mo sa screen ng iyong teleponong si Basha ang nakatitig.
Nanggigigil ka sa teleponong hawak, naihahagis, napatutula,
“Naiinis (ako) sa sarili (ko) kasi kahit (you) had me at my best and you chose to break my heart, gusto pa rin kita bigyan ng second chance kahit di mo naman hinihingi.”
Siguro nga totoong hindi napapawalang-bisa ng sakit ang pag-ibig. Kay laki nga ng espasyong iniwan mo sa iyong puso na nakaangkla sa mga baka at kung sakali na babalik siya.
Ngunit sa bawat paghiling na ikaw na lang ulit sa tabi niya, ay may maliit na tinig na nagsasabi rin sana, ikaw na ulit iyan. Sinisigaw ng iyong mga matang nakatitig sa teleponong mugto na. Ang iyong mga kamay na pagod na. Ang mga paang nanghinawa nang maglakbay. Ang iyong sariling humihiling na bumalik ka na sa kung sino ka bago ka pa man tumitig ng alas dos ng umaga sa screen ng iyong telepono.
Bago mo pa man makita ang sarili mong kasama siya, bago mo makita si Basha sa salamin, ikaw muna.